Sabi ko Oo
Dahil sinabi mo bumalik ka dahil
ako pa rin ang tinitibok ng iyong puso.
Sabi ko Oo
Dahil napanatag ako sa pangakong
ako na ang huling babae sa buhay mo.
Sabi ko Oo
Dahil naniwala akong ikaw ang
una, huli at tanging mamahalin ko.
Naririnig ko pa ang malulutong
mong halakhak
Habang ako’y iyong hinahabol sa
dalampasigan
at kasabay ng paglubog ng araw
ay ang pagpihit mo sa aking
baywang
at marahang pagbulong ng mga katagang
“ikaw lamang”
Sariwa pa sa alaala noong gabing
inakay mo ako sa gitna ng entablado,
Nanginginig na mga kamay ,
nag-aalanganing mga paa, nalilitong puso
Ikaw? Magkakagusto sa tulad ko?
Pero gumuho ang dingding ng takot
Sa himig ng malamyos na musika,
tinangay ako
Ng iyong mga matitipunong bisig
at mapag-angking titig.
Ikaw – ikaw ang aking
tagapagligtas.
Ikaw na ang pag-ibig na wagas.
Ikaw ang panaginip na naging
katotohanan.
Ikaw ang bahaghari pagkatapos ng
ulan.
Ikaw ang alitaptap sa masukal na
gubat.
Ikaw ang aking barko sa mabangis
na dagat.
Ikaw ang dahilan ng aking saya at
tuwa.
Ikaw ang pag-asa, kabiyak ng
kaluluwa.
Ikaw ang aking frappe, ice cream
at milk tea
Laging hinahanap at minimithi
Ikaw at ako ,
Oo, tayo pa rin gumuho man ang
mundo.
Ngunit sa isang iglap ika’y naglaho
Pagpapaalam, wala pala sa iyong
bokabularyo
Nag-uunahan ang mga luhang
nagmamakaawang bumalik ka
Mahal, tatanggapin ulit kita!
Pero ang tanga ko! Isa lang pala akong
salita sa pangungusap mo
Na nilagyan ng kuwit, dinugtongan ng isang salita, at isa pa.
Marahil nga ay ito na.
Hindi na magbabago, talagang wala
ng tayo
Sapagkat ang tuldok ay tuldok –
Ang kuwit ay kuwit-
Ako ay kuwit sa iyo
Ikaw ay tuldok sa akin.
Pero pinapatawad kita, pinapalaya
na kita
Maguumpisa ako ulit, nang mag-isa
Gaya ng kuwit, hihinga ako at magpapatuloy
Gaya ng kuwit, pag-asang mahihilom
ang sugat ay dadaloy.
Tulad ng tuldok, tatapusin lahat
ng pighat’t pait.
Tulad ng tuldok, wawakasin lahat
ng sakit.

No comments:
Post a Comment